“Andito na ako sa harap ng building nyo,” sabi niya.
“For real?” tanong ko.
“For real,” sagot niya.
Inilapag ko ang aking cellphone. Nagmadali akong i-shut down ang aking laptop, inaayos ang aking mga gamit. Kinuha ko ang munting salamin at salmon pink kong lipstick saka nag-ayos sa washroom. Matagal akong tumitig sa salamin at naitanong ko sa sarili, “ano na naman kaya ang naisip niya at nagpunta pa siya dito?”
Bumalik ako sa desk ko at kinuha ang aking bag. Nagpaalam sa gwardiya at pinindot ang down key ng elevator. Walang ibang pakiramdam. Hindi na ako excited tulad ng dati kapag magkikita kami.
Eksaktong pagbukas ng pinto ng elevator natanaw ko siya agad. Siya pa din. Ganun pa din ang ayos niya. Medyo weird.
“Hi,” sabi ko.
Ginantihan niya ako ng ngiti sabay sabing tumaba daw ako.
“Hatid na kita sa mrt,” aniya.
“Ah, sige,” sagot ko na may pagtataka.
Binagtas naming ang daan hanggang Makati Cinema Square. Pagpasok namin sa loob, napansin pala niya ang aking pulang bag.
“Ganda ng bag mo ah.”
“Ay oo, maganda nga at matibay.” Bakit nga ba kasi sa dinami-dami kong bag yung pang bigay niya ang ginamit ko? Yun nga pala yung pasalubong niya sa akin nung nagpunta siya sa Korea mga limang taon na ang nakakaraan. Hayan tuloy abot tenga ang ngiti ng loko.
Sumakay kami ng jeep. Dahil maggagabi na eh dinadalaw na agad ako ng antok. Napansin niyang antok na antok ako at tinanong niya ako kung napagod ba ako sa maghapong trabaho ko. Sinabi ko na maaga na talaga ako natutulog ngayon. Hindi na ako nagpupuyat katulad ng dati.
Sa loob ng jeep, parehong nangangapa ng sasabihin ang bawat isa sa amin. Wala din naman akong maisip na sabihin sa kanya at tiyak kong ganun din siya. Pero heto kami at magkasama.
Bumaba kami sa Mantrade. Naglakad at pumunta sa MRT-Magallanes station. Konti lang naman yung nakapila hindi katulad ng rush hour ng biyernes na halos siksikan at talagang maghahalo ang pawis mo at kung ano mang amoy meron sa dami ng taong nakasiksik sa iyo. Nakakuha na kami ng ticket at pumasok na kami. Sa platform, doon ko napansin na marami-rami na din palang tao.
Nakatayo kami sa loob ng tren dahil na rin sa dami ng tao at wala nang bakanteng upuan. Nagkwentuhan naman kami at napunta ang usapan sa korni na mga jokes at pati ang mga music na pinapakinggan namin sa kasalukuyan. Parang yung mga dati naming kuwentuhan. Kahit nagkukwentuhan kami, hindi ko pa rin mapigilan ang antok. Hikab dito, hikab doon. Nasambit ko pa na masyadong mabagal yung train kaya grabe yung antok ko.
“Ok nga at mejo mabagal para matagal pa kita makasama,” sabi niya.
“Inaantok na ako, Bulacan pa uuwian ko. Siguradong tulog ako nito pagsakay ko ng FX,” sabi ko.
Hanggang sa marating naming ang North Avenue station. Katulad pa din ng dati dahil gabi na, una-unahan ang tao sa pag-eexit ng ticket. Nagpatihuli na ako at gayundin siya na napansin na hindi pa ako kumikilos sa pagkakatayo ko.
Naka-exit na kami at naglakad papuntang Trinoma. Tinanong niya ako kung saan ko gustong kumain. Naisip ko sa Pao Tsin dahil masarap ang laksa soup nila at talagang binida ko sa kanya na kakaiba talaga yung lasa nun. Habang papanhik kami sa 2nd floor, iniisip na daw niya yung lasa ng laksa. Napansin ko na mukhang may pananabik at saya yung mukha niya. Siguro dahil sa laksa na sinasabi ko. Kung meron pang ibang dahilan, yun ay hindi ko sigurado kung ano.
“Wala na pong Laksa Ma’am,” bungad ng kahera. “Naubos na po.”
“Ay sayang naman!” sabi ko.
“Siguro next time matitikman ko din yung laksa,” sambit niya.
Tumalikod na kami sa kahera at naglakad papalayo. Nag-isip ng ibang pwedeng makainan at makain. Nanghihinayang dahil hindi nakatikim ng ibinibidang laksa soup.
Habang naglalakad ay nag-iisip naman ako kung saan kami pwedeng kumain. Palagay ko ganun din siya. Pareho kaming tahimik habang pababa ng escalator. Hanggang sa sinabi niyang sa Chowking na lang kami kumain dahil yun na daw yung gusto niya. Marahil yun na kasi yung fast food chain na unang tumambad sa aming mga mata at ako nama’y walang magagawa kasi nakadepende naman talga sa kanya kung saan kami kakain.
Bumaba kami ng escalator at tinungo ng mabilis ang Chowking. Lumapit sa counter na kakaunti lamang ang nakapila. Pangatlo kami sa pila. Kinakalkal ko ang aking bag para makuha ang aking wallet ngunit sadyang mabilis siya kaya’t sinabing ako ay kanyang ililibre. Pinagbigyan ko naman kasi sabagay matagal na din ang panahong hindi kami kumakain at hindi niya pa ako gaanong naililibre. Medyo kinapalan ko na ang aking mukha at hinayaan ko na siyang magbayad ng kung anumang oorderin naming.
Parehong beef wanton noodles ang inorder namin. Sinamahan pa nito ng ilang siomai at pineapple juice. Pagkatapos magbayad sa counter humanap agad kami ng pwesto kung saan kami kakain. Mabuti na lamang at kakaunti lamang ang kumakain kaya hayun nakakita agad kami ng mesang kakainan.
Paglapag ng aking gamit, sinabayan ko na nang upo. Naupo siya katapat ko at nagsimulang mangamusta at magtanong. Parang ngayon pa lana magsisimula ang oras na magkasama kami at magkakakwentuhan. Tinanong niya ako kung kamusta na ang trabaho ko, kung dun pa din ako sa dating bahay sa Santillan ako umuuwi at pati na rin sa usaping pag-ibig. Ngunit, bago pa niya makalkal ang lahat tungkol sa pag-ibig ko, ibinalik ko ang pagtatanong at pangangamusta sa buhay niya, sa trabaho niya at sa kasalukuyang pinagkakaabalahan niya ngayon.
Napansin niyang iwas akong magkwento tungkol sa pag-ibig. Hanggang sa siya na mismo ang nagkwento tungkol sa kanyang naunsyaming pag-ibig. Sinabi niya na wala na daw silang pag-uusap at tapos na ang kanyang ugnayan sa dati niyang nobya. Hindi na din daw siya nagkalakas ng loob na tanungin at pabalikin ang dating nobya at hindi na din niya ipinilit ang kanyang sarili.
Wala akong imik o anuman dahil hinayaan ko lang siyang magkwento. Hanggang sa dumating na ang aming order at nagsimulang kumain. Habang kami ay kumakain, kinukwento niya ang nakaraan. Pinipilit niyang mapunta ang usapan sa nakaraan. Puro magaganda ang sinasabi niya tungkol sa nakalipas. Yung dati, nung naging kami.
Hanggang sa naisipan kong sabihin na ang totoo sa kanya. Dahan-dahan ang pagbuka ng aking bibig at inisip ko muna ang mga salitang aking sasabihin. Hindi ko alam kung anuman ang magiging epekto nito sa kanya pero kailangan kong sabihin at kailangan din niyang malaman para hindi na siya umasa na maibabalik pa din ang nakaraan.
“Gusto ko palang malaman mo na magkaka-baby na ako,” sabi ko.
“Ha? Hindi nga?” tanong niya.
“Oo. Totoo.”
“Wala ka namang pruweba.”
Inilabas ko ang pregnancy test kit na ginamit ko kahapon. Ipinakita ko sa kanya.
“Hindi naman totoo yan eh,” sabi niya. Halos pinaghalong pagtataka, lungkot at panghihinayang na may halong pagtatanong ang itsura niya nung mga sandaling iyon.
“Totoo ito.”
“Sino ang ama? Kilala ko ba?”
“Oo. Yung nobyo ko na ikinukwento ko sa iyo.”
Sa pagkabigla, halos mabali niya ang tinidor. Alam kong talagang mabibigla siya ngunit hindi na dapat ganoon ang kanyang reaksyon dahil matagal na kaming walang ugnayan.
Bakas sa mukha niya ang pagkalungkot. At ang huling nasambit niya ay kung nagpatingin na daw ba ako sa doctor para makasiguro. Hindi raw kasi siya naniniwala. Gusto daw niyang makasiguro kung ano ang totoo.
Hindi na naming natapos ang maing kinakain at ako ay nagpaalam na sa kanya. Sinabi kong wag na niya akong ihatid sapagkat nasa labas na ang aking nobyo para ako ay sunduin.
Ipinakilala ko siya sa aking nobyo. Mapait ang pagkakasabi niyang “Congrats” sa aking nobyo. Dama ko ang lungkot niya. Aaminin ko din na may lungkot din akong nadama nung mga oras na yun.
Habang sakay kami ng FX pauwing Bulacan ng aking nobyo, nagpadala siya ng text message na nagsasabing balitaan ko siya agad kung ano man ang maging resulta kapag nagpunta ako sa doctor.
Nakatanggap ulit ako ng isa pang mensahe:
“Mag-ingat ka palagi. Basta andito pa din ako para sa iyo.”
No comments:
Post a Comment